Ang paggigiit ng Wikang Filipino sa isang panahong mistulang nilulunod ng teknolohiya ay isang di masyadong napapansing hamon. Alam at nararanasan natin ang mga pagbabagong idinudulot ng panahong ito. Ang panahong laganap ang sensibilidad na nakasentro sa computer technology at sa Internet: Ang impormasyong taglay ng isang set ng ecyclopedia’y kayang-kayang ipasok sa napakalaking memorya ng pinakamurang flash disk. Ang mga paboritong pelikula, laro at tugtog ay nada-download na lamang sa loob ng napakaiksing panahon habang nagsusulat sa word processor o nakikipagtsismisan sa pamamagitan ng instant messaging. Hindi na tayo ang naghahanap ng mga sagot sa research o assignment kundi ang ating mga maaasahang Yahoo, Google at Wikipedia. Paano igigiit ang kahalagahan ng sariling wika lalo’t lubog tayong Pilipino sa mga “distraksyong” ito?
Marahil, ang pinakaugat ng problematisasyon sa wika at teknolohiya ay ang karaniwang nosyong umiiral ang mga ito bilang dalawang magkahiwalay at magkatunggaling puwersa। Ang wika’y palaging maaakusahang umaandar sa teritoryo ng ideyolohiya’t kultura, mga elementong maihahambing sa tubig o hangin–mahirap panghawakan, mahirap isakonkreto. Samantala, sa teknolohiya naman inaasahan ang mga bagay na tutugon sa mga empirikal at materyal na pangangailangan–ang pagtatayo ng mga makina, kasangkapan at edipisyong magbibigay ng mas maraming trabaho’t oportunidad na kumita ng pera, at bukod dito’y pagsamasamahin ang buong sansinukob bilang isang lipunang magkakasabay sa daan patungo sa pag-unlad.बी : Vlad Gonzales